Alamin kung paano nga ba maitatama ang mali sa inyong mga Birth Certificate?
Mahalaga ang birth certificate dahil ito ay isang dokumentong maaaring maging paraan ng pagkakaroon ng legal na pagkakakilanlan. Bukod pa rito, kinakailangan ang birth certificate sa pagkuha ng iba pang mga dokumento gaya ng passport.
Sa
programang "Usapang De Campanilla" ng DZMM, ipinaliwanag ni Editha
Orcilla, assistant national statistician ng Civil Registration Service ng
Philippine Statistics Authority (PSA), ang proseso para maitama ang ilang
pagkakamali sa isang birth certificate. Karaniwan sa mga umano'y ipinapaayos
ang pagkakabaybay sa pangalan, petsa ng kapanganakan, o kasarian ng may-ari ng
certificate. Dapat umanong i-file ang petisyon ng pagpapabago sa civil
registration office kung saan nakarehistro ang birth certificate ng indibidwal.
Nasa halagang P1,000 ang petition for correction of entry.
Kapag
"migrant petition" naman o iyong petisyong hinain sa civil
registration office na hindi pinagparehistruhan ng birth certificate, aabot ang
presyo sa P1,500. Kabilang sa mga dapat dalhin ang kopya ng birth record na
itatama, dalawang dokumentong magpapatunay o pagbabatayan ng pagbabago (school
records, medical o baptismal certificate) at iba pang dokumentong maaaring
hingin ng civil registrar.
Tantiya
ni Orcilla, nasa halos tatlong buwan ang buong proseso ng pagtatama. Ipadadala
pa kasi ng lokal na civil registration office sa tanggapan ng PSA ang petisyon
at mga dokumento para aprubahan ng ahensiya. Ibabalik muli ng PSA sa lokal na
civil registrar ang petisyon para muling aprubahan at ihanda ang certificate of
finality.
Para
makumpleto ang proseso, kinakailangan kunin ng indibiduwal ang naitamang
dokumento.
Subalit
paglilinaw ni Orcilla, hindi nila binabago ang nakasaad na sa dokumento at
idinadaan na lamang sa anotasyon ang pagtatama. "We are not allowed to
change any entries in the record mismo. We cannot erase kasi tampering na po
‘yan. We just do the annotation," ani Orcilla. Maaari
ring magpatama ng birth certificate ang mga Pilipino sa ibang bansa sa
pamamagitan ng paglapit sa embahada o pagbigay ng authorization letter sa
maaaring mag-asikaso ng pagtatama dito sa bansa.
Dagdag
ni Orcilla, walang online na proseso para sa pagtatama ng birth certificate. Kapag
kasarian naman ang ipapapalit, kinakailangan ng isang indibidwal ng
pagpapatibay mula sa isang doktor na accredited ng gobyerno, subalit hiwalay na
gastusin pa ang pagkuha nito. "Ito po’y kailangan personal na pumunta
‘yong may-ari ng dokumento at may kailangan pang medical certification from an
accredited government physician," paliwanag ni Orcilla. Bahagi ang panayam
kay Orcilla sa serye ng Usapang De Campanilla na naglalayong magbigay kaalaman
ukol sa mga mandato ng ilang ahensiya ng pamahalaan.
Source: YouTube
Comments
Post a comment